05/08/2026
LENTENG ITIM: SA BAWAT PITIK, LARAWANG NAGPAPALAKAS NG LOOB AT TALENTO
TUGUEGARAO, CAGAYAN — Para kay Roland Vincent Romero, photographer at owner ng Lenteng Itim, hindi kailangang mamahaling camera ang maging sukatan ng isang mahusay na photographer. Sa halip, mahalaga ang pagiging creative at ang kakayahang gamitin nang husto kung ano ang mayroon. Bilang isang photographer na patuloy pang natututo, layunin niyang gamitin ang kanyang mga larawan upang maipakita ang talento at kakaibang likha ng mga Cagayano.
Nagsimula ang kanyang pagkahilig sa photography noong bata pa siya. Nang dumating sa kanilang tahanan ang Nikon D3200 noong 2012, lagi niya itong ginagamit tuwing may mga school event at hanggang ngayon ay ginagamit pa rin niya ito. Noong college, mas naging seryoso siya sa photography at nagpasyang mas pag-aralan at paghusayin ang kanyang kakayahan. Sa paglipas ng panahon, mas nakilala niya ang kanyang sariling estilo, na pangunahing nakatuon sa mga tao at sa pagbibigay sa kanila ng kumpiyansa sa sarili sa pamamagitan ng kanyang mga larawan.
Hindi rin naging madali ang kanyang journey. Aminado siyang minsan ay nagdadalawang-isip at nahihiya siyang makipagsabayan sa ibang photographers na may mas mamahaling kagamitan. Ngunit dito niya natutunan ang isang mahalagang prinsipyo: “Be creative on what you have.” Para sa kanya, ang camera ay parang armas—maaaring pareho ang gamit, ngunit ang resulta ay nakasalalay sa taong gumagamit nito. Sa kanyang photography, nais niyang patunayan na hindi lamang kagamitan ang gumagawa ng magandang larawan kundi ang creativity, perspective, at sariling kakayahan ng photographer.
Para kay Lenteng Itim, mahalagang magkaroon ng mas maraming platform para sa mga local artists at photographer sa Cagayan. Naniniwala siyang dapat pahalagahan ang bawat gawa—maging wedding, debut, o anumang event photography—dahil bawat artist ay may sariling estilo at ambag sa lokal na creative community. Sa mga aspiring photographers, simple ang kanyang payo: “Pitik lang ng pitik. Continue what you love and love what you continue.” At para kay Governor Egay Aglipay, umaasa siyang mas marami pang proyekto ang maisusulong para sa mga batang artist na nangangarap at patuloy na naghahanap ng pagkakataong maipakita ang kanilang talento.
FB Page:
https://www.facebook.com/LentengItim