30/07/2019
Sheryl of Goldcup as Being Human
“Hi Im Sheryl, bago pa lang ako sa specialty coffee. Newbie pa rin naman ako pero I can say, naglilevel up na ako kasi hindi naman ako nagsimula sa pagbabarista. Nagstart ako sa Shakey’s, then Max’s, at wala talaga ang pagbabarista sa profile ko. From being a server, naging customer service assistant, kaya nasanay din ako sa tao. So from Batangas, nag-Manila na ako.
Pagdating sa Manila, ang first job ko sa JCo. Doon ako natuto magbarista. Actually frontliner barista ako roon. Hindi pa talaga full-pledged barista. Parang all around lang ako. So kahit ano ipagawa, gagawin ko. Kahit ang pangarap ko talaga ang maging flight attendant, nagustuhan ko rin talaga ang pagbabarista. I can see the world pa rin naman dahil sa coffee kasi naniniwala ako makakarating ako sa kung saan-saan dahil sa kape haha! Hindi kasi talaga mawawala ang kape sa buhay ng tao, lalo na sa amin haha at lalo na sa akin kasi iniinom ko dati kapeng barako kasi taga Batangas ako. Lalo na pag ang lolo ko ang nag-brew. Gustong gusto ko talaga. Ganoon mga iniinom ko dati bago pa nag specialty coffee. Tapos pag wala talaga, mga 3 in 1 hahaha! Mga normalan na timpla. Tapos sa JCo, mga coffee with syrups naman lalo na yung Oreo Frappe na may taste ng vanilla.
After three years sa JCo, nagkaroon ng throw down. Nagkataon naman na kami ni Banch ang nagkaharap. Ang kailangan gawin eh heart, ito naman si Banch nag tulip na naging heart. Ang akin naman, ‘yung heart ko natapon. Hindi ko nabuo. Kaya ayun, sibak hahaha! Hindi ko talaga makalimutan. Tapos nalaman ko na si Banch ang magiging manager ko sa Rain, sabi ko talaga sa employer namin “Boss! I know that guy! We competed before, and I will never forget that day!” haha. Ang hirap naman kasi talaga mag latte art. Three months na ako ‘yung heart ko hugis sibuyas pa rin. Tapos paunti unti nakagawa na ako ng heart, tapos nag tutulip na ako. Siguro one year ko rin talaga natutunan ang magandang pagbuhos sa latte. Hanggang sa minahal ko na rin ang pagbabarista.
Napromote kasi ako as manager tapos puro paperworks. Ayaw ko talaga ng paperworks kaya nagresign ako. Ayaw ko ng nakaupo tapos nagcocompute lang. Gusto ko in action ako eh. Kaya after nun, nag Shanri La BGC ako. Ilang months lang din ako sa Shang. Hindi naman kasi regular ang duty namin. Tapos on call kami sa ibang hotel. Kaya napapaisip na ako noon kung saan ba talaga ako papunta. Kaya apply ako ng apply sa kung saan-saan. Ang init-init tapos laging hindi pasok sa minimum requirement ng mga airlines. Kaya nagtry na ako mag abroad.
Sa abroad, nagsimula ako sa isang restaurant, Cafe Bateel sa UAE. Barista na ang inapplyan ko. Ang hirap din pala. Mabuti na lang walang placement fee sa agency na pinag applyan ko. One year din ang itinagal ko sa Bateel.
Tapos nag apply na ako sa Rain. Nakakatuwa kasi kami ang pioneer nila Banch at Shiella. Saktong mahilig din akong umikot ikot. Marami rin kasing specialty coffee sa area kaya kung saan-saan ako nakakarating sa pagbisita sa mga coffee shops lalo na ‘yung mga nakikita ko sa Facebook na nagchachampion doon. Hanggang sa naging kaibigan ko na rin ang mga barista nila. Pinupuntahan ko talaga sila.
Dahil sa Rain, mas natutunan ko ang coffee, mas minahal ko ang coffee. Parang hindi mabubuo ang araw ko pag walang coffee. Parang blood type ko na nga ang coffee eh haha! Lalo pa at na sa coffee shop kami. So nasanay ang na dila ko sa kape, nasanay din ang pakikitungo ko sa mga tao at sa mga coffee enthusiast. Binibisita rin kami ng mga ibat-ibang coffee roaster at iba’t-ibang barista. Pati mga Arabs na gusto maging barista ay pinupuntahan kami. Hindi naman kami madamot sa knowledge kaya tinuturuan namin sila. Nakakatuwa rin talaga roon kasi ‘yung mga tao willing din talaga matuto. So as long as gusto talaga, magshishare kami ng alam namin. Tapos mahilig din sila sa social media. Part din ng lifestyle nila ang social media eh. Karamihan nga sa kanila oorder ng coffee, tapos kukunan ng picture, tapos post. Hindi nila uubusin. May mga nakaka-appreciate rin naman mga black coffee. pag nagbrew kami tapos pinapatikim namin sa kanila, nagugustuhan din nila. So next time na bisita nila, hinahanap na nila ‘yung pinatikim namin sa kanila. Minsan nga nagdadala na sila ng sarili nilang beans eh. Kung okay samin ang lasa, iseserve namin. Pero pag hindi, hindi namin pinipilit.
Naisipan ko magbakasyon, at umuwi na for good. Noong andito na kami, hindi pa namin naisip na magtayo ng business. Nag usap-usap muna kami tapos nagbakasyon ako sa Palawan ng one month, pinag uusapan lang namin kung mag aabroad pa ba kami or mag oopen na ng business. Syempre if abroad ulit, may risk pa rin. Plan namin sa Canada or sa Australia. Kaya nagkabit na lang kami ng keychain ng Canada para abot pa rin namin ang Canada kahit sa keychain na lang haha! Pero sana marating pa rin namin ang Canada pero bakasyon na lang, hindi na work or kung magka-branch si Goldcup, sa ibang bansa na.”