25/06/2026
[IN PHOTOS 6/6]
Nag-alab sa puso ng mga mag-aaral ng PUP Laboratory High School (LHS) ang pagiging kompetitibo nang isinagawa ang Sportsfest 2026 na may temang “Driven by Passion, United by Sports” na ginanap noong Mayo 12 hanggang 15, 2026 sa PUP LHS Multi-Purpose Hall at PUP Gymnasium.
Opisyal na binuksan ang palatuntunan noong Mayo 12 mula sa pagbibigay ng pambungad na pananalita ng Punong-guro na si Assoc. Prof. Christine A. Del Rosario, kasunod ang pagsasagawa ng Torch Lighting Ceremony at Oath of Sportsmanship na parehong pinangunahan ni Mr. Andre Fajardo. Dito rin isinagawa ang Mr. and Ms. Sportsfest kung saan nagpakitang gilas ang bawat kalahok ng kanilang kahusayan sa pagrampa. Sa pagtatapos ng paligsahan, naiuwi nina Brienne Regudo mula sa Serperiors at Ruth Zamora ng Pretty ang titulong Mr. and Ms. Sportsfest 2026. Kasabay ring ginanap sa araw na ito ang elimination round ng chess sa Science Laboratory Room.
Sa ikalawa at ikatlong araw ng patimpalak noong Mayo 13 at 14, walang patid na hiyawan ang maririnig sa PUP Gymnasium mula sa mga mag-aaral upang suportahan ang kani-kanilang koponan para sa basketball at volleyball. Ang bawat manlalaro ay nagpakita ng kakaibang kagalingan sa kani-kanilang larangan at ramdam na ramdam ang tensyon sa pagitan ng mga koponan. Sa huli, ang kampeonato sa basketball ay nakamit ng Lobo, habang pinatunayan naman ng Pretty kung sino ang kampeon sa volleyball.
Naganap ang mga huling laban sa chess noong Mayo 15 sa Audio Visual Room kung saan naghari ang BoPeace. Sa araw ding ito isinagawa ang seremonya ng paggagawad ng parangal sa mga koponang nagwagi sa kani-kanilang larangan. Bilang resulta rin ng kanilang determinasyon at kahusayan, itinanghal bilang Overall Champion ang BoPeace. Sa pagtatapos, pormal na isinara ng Pangalawang Punong-guro ng paaralan, Assoc. Prof. Christian H. Villegas, ang palatuntunan sa kanyang makabuluhang pangwakas na pananalita.
Ang sportsfest na ito ay isang paalala na ang LHSians ay may angking kakayahan at talento sa iba’t ibang larangan, at patunay rin ito na ang sportsmanship ay buhay sa diwa ng bawat isa.