15/08/2024
Journal Entry | Ika-15 ng Agosto 2024
Kadalasan kapag bumabiyahe kami, naiinis ako. Nahihilo ako sa mga lubak na kalsadang dinadaanan namin, maging papunta sa eskuwelahan, sa kainan, o kahit sa tabi-tabi lamang. Dagdag pa ang mga drayber na sobrang bagal, hindi mo na maintindihan kung gumagalaw pa nga ba. Nakakainis. Minsan sa sobrang pagkabahala ko sa mga bagay na ito, hindi ko na napapansin ang aircon na nakasagad at tutok sa aking noo, ang salaming sinisigurong hindi ako makakalanghap ng usok galing sa daan, maski ang seatbelt na nagpapanatili ng aking katawan sa upuan kahit na malakas at biglaan ang preno ng aming sinasakyan. Hindi ko namamalayang ang mga simpleng bagay na kinaiinisan ko ay malaking pribilehiyo na hindi natatamo ng karamihan.
Isang gabi pauwi kami galing galaan, mag-aalas-nueve na ngunit malayo pa rin kami sa bahay. Nainis ulit ako sa bagal ng takbo ng mga kotse. Nang akala ko’y aarangkada na— badtrip naabutan pa ng stoplight. Ngunit sa pagkahintong ito, natauhan ako. Hindi dahil sa tagal ng paghinto kundi dahil sa nasulyapan ng aking mga mata. Natanaw ko sa bintana ng aming sasakyan ang pagkahilo’t pagkainis ng mga pasaherong nasa kabilang sasakyan. Wala silang aircon, walang salamin na humaharang sa polusyon, at walang seatbelt na nagpapanatili ng kanilang kaligtasan. Napatahimik ako’t nanghinayang sa aking mga reklamo.
Ang pagkakahinto ng aking sasakyan sa harap ng dyip ay tila naging paalala na sa bawat pagkikibit-balikat natin sa maliliit na abala, may mga tao palang mas malaki ang hinaharap na pagsubok. “The right place, at the right time”, ika nga. Sa mga sandaling iyon, napagtanto ko ang halaga ng mga pribilehiyo na kadalasang hindi natin pinahahalagahan. Lahat tayo ay nagsusumikap, nag-aaral, nagtatrabaho, at pinapawisan. Ngunit, hindi naman lahat ay nabibiyayaan. Grabe pala no? Minsan yung mga pinagdaraanan nating halos ikahimatay natin ay isang pangarap na pala para sa iba. Kung kaya’t sa bawat sandali ng pagod at pasanin, huwag pa rin sana natin makalimutang magpasalamat at higit sa lahat, magpakumbaba.
Kuha at Inilikha ni: Elisha Cacnio