13/07/2026
One for the books!
Una sa kasaysayan ng Saint James the Greater Parish of Dapitan City ang kasalan ng isang transman at isang transwoman noong July 4, 2026.
Larawan ng masayang magkarelasyon sina Tisha Marie Amal, isang transman, at Ronnie Enderez, isang transwoman.
Paliwanag ni Ronnie, dumaan sila sa normal na proseso ng pagpaparehistro at pagdalo sa seminar ng lokal na pamahalaan bago ang kanilang kasal. Wala naman aniyang naging problema sa pamunuan ng simbahan pero pinakiusapan lang sila na si Tisha ang magsusuot ng gown at si Ronnie ang nakabarong.
Hindi naman nagdalawang-isip sina Ronnie at Tisha sa kahilingan ng simbahan. Dagdag pa ni Ronnie, gusto din niyang makita si Tisha na nakasuot ng gown kaya natuwa siya na nakitang naka-wedding gown ang asawa nang lumakad papunta sa altar.
Pagtatapat naman ni Tisha, pangarap nilang maikasal sa simbahan kaya masaya siyang natupad ito. Sanay na rin aniya siya na transwoman ang karelasyon dahil ang mga katulad din ni Ronnie ang nakarelasyon sa nakaraan. Sabik na rin silang dalawa na magkaroon ng sarili nilang anak, dagdag pa ni Tisha.
Si Rev. Msgr. John Warren B. Maratas, parochial vicar, ang nagkasal kina Tisha at Ronnie. Sa kaniyang homilya ay idiniin ni Maratas ang katagang "love knows no boundaries."
"While the Catholic Church continues to uphold its teachings on marriage, it also urges the faithful to treat everyone with dignity, compassion, and respect. As the familiar phrase goes, love wins, it means by not erasing differences or pretending they do not exist, but by embracing them with kindness, understanding, and patience," sabi pa sa Facebook post ng simbahan. (📷: Michelle Yorong Enderez) | via Dabet Panelo, BMPM