24/08/2026
Nagising ako dahil sa sinag ng araw na sumisilip sa aking bintana. Tulad ng nakagawian, babangon at titimplahan ka rin ng paborito mong kape. Inilagay ko ito sa mesa, malapit sa bintana — na paborito mong pwesto sapagkat tanaw mo ang dalampasigan. Napangiti ako nang maalala ko ang mga huli nating lakad sa tabing dagat — ang tawanan, kuha ng mga litraro at mga pangako.
Nahuli ko ulit ang sarili kong nakatingin sa iyong kwaderno. Binasa ko ang mga nakasulat sa bawat pahina. Masyado ng luma, hindi na mabasa ang ibang salita ngunit ayos lang sapagkat kabisado ko na ito.
Bawat higop ng kape ay siyang bigat rin ng aking buntong hininga.
Napatingin ako sa paligid. Tahimik ang buong bahay, pati ang dalampasigan. Tila ba'y tumigil sa pag-lipad at pag huni ang mga ibon. At ang dagat, tila ba'y tumigil na rin sa pag hampas ng alon.
Sa huli, napadpad ang aking tingin sa huling pahina at sa iyong tasa ng kape, malamig — ni hindi ito nabawasan. Oo nga pala, matagal mo nang naubos ang iyong paboritong kape. Matagal ka na nga palang lumisan ngunit ako, nandito pa rin.
Nandito pa rin ako sa lamesa't bintana, humihigop pa rin ng kape sa hawak kong tasa at iyong kwaderno—binabalik balikan ang bawat pahina. Dahil sa totoo lang, matagal ko na itong natapos. Hindi ko lang maisara at mabitawan ang pahina dahil hindi ko mahanap ang wakas.