04/11/2026
TINGNAN | Natagpuan na ang isang buntis na babae na naiulat na nawawala matapos ang insidente sa tulay na nag-uugnay sa Datu Piang, Maguindanao del Sur at Nabalawag, Special Geographic Area (SGA)-BARMM.
Kinilala ng kanyang pamilya at ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Nabalawag ang babae na si Aleja Badal Pinagayao.
Batay sa paunang impormasyon, kasama umano ng biktima ang kanyang mister at naglalakad sa nasabing tulay noong Martes ng gabi, Nobyembre 3, nang mangyari ang insidente.
Agad na nagsagawa ng search and rescue operation ang mga awtoridad mula sa Datu Piang at Nabalawag. Gayunman, hindi agad natagpuan ang babae sa kabila ng isinagawang paghahanap noong gabi.
Kinabukasan ng umaga, namataan ang kanyang mga labi sa ilog at narekober sa bahagi ng Upper Taviran, Mother Kabuntalan, Maguindanao del Norte.
Dakong alas-9:30 ng umaga nang mai-turnover sa pamilya ang mga labi para sa kaukulang disposisyon at pagsasagawa ng mga huling ritwal.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Pamahalaang Lokal ng Nabalawag sa pamilya ng nasawi. Nagpasalamat din ito sa mga ahensya ng pamahalaan, rescue groups at mga pribadong indibidwal na nakiisa sa search and rescue operation.
📲 Para sa pinakabagong balita at mga kaganapan sa Mindanao, i-like at i-follow ang Mindanao NI.