30/05/2026
ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: "Pag-aalay ng Dakilang Pari"
Mayo 28, 2026.
Kapistahan ng Panginoong Hesukristo, Walang Hanggang at Dakilang Pari
MABUTING BALITA
Mateo 26, 36-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, isinama sila ni Hesus sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Dito muna kayo; mananalangin ako sa dako roon.” Ngunit isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. At nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko’y tigib ng hapis na halos ikamatay ko! Maghintay kayo rito at makipagpuyat sa akin!” Pagkalayo nang kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin: “Ama ko, kung maaari’y ilayo mo sa akin ang kalis ng paghihirap na ito. Gayunman, huwag ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang mangyari.”
Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Talaga bang hindi kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras man lamang? Magpuyat kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu’y nakahanda ngunit mahina ang laman.”
Muli siyang lumayo at nanalangin: “Ama ko, kung hindi maiaalis ang kalis na ito nang hindi ko iinumin, mangyari ang iyong kalooban.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Mapagpalang Kapistahan ng Panginoong Hesukristo, Walang Hanggang at Dakilang Pari! Ang isang pari ang siyang nag-aalay sa Diyos, tulad ng mga pari sa Lumang Tipan na nag-aalay ng mga tupa; at sa Bagong Tipan, ang mga pari ay nag-aalay sa Diyos Ama ng Banal na Katawan at Dugo ng ating Panginoong Hesus. Si Kristo rin ay nag-alay ng Kanyang Sarili sa krus. Ngayong araw, ang makikita natin ay ang panalangin ng ating Dakilang Pari kung saan, sa Kanyang dasal, makikita natin ang pag-aalay Niya ng Kanyang buong Sarili sa plano ng Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap ng Kanyang pagdurusa at sakripisyo para sa pagtubos sa sangkatauhan. Noong ang ating Panginoong Hesus ay nasa Getsemani, makikita nating “nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban.” Ang dahilan kung bakit ang ating Panginoon ay nababagabag at naghihirap ay dahil nakikita na Niya, hindi lang ang pisikal na pagdurusa na Kanyang mararanasan, kundi pati na rin ang mga kasalanan ng sangkatauhan at ang kanilang hindi pagkilala sa Kanya na mas matindi pa ang dulot na sakit sa Kanyang Sagradong Puso.
Ang inimbitahan lamang ng ating Panginoong Hesus sa Getsemani para samahan Siyang magdasal ay sina San Pedro, San Santiago, at si San Juan dahil sila lamang ang nakakita ng Kanyang kaluwalhatian noong sila ay nasa Bundok ng Tabor. Kahit na nagdasal nang mag-isa sa Hardin si Hesus, ay sinabihan Niya ang Kanyang mga alagad na manatiling nagdarasal sa isang oras bilang paghahanda sa Kanyang pagdurusa. Itinuturo sa kanila at sa atin ng ating Tagapagligtas na ang tanging paraan upang makabahagi at makipag-isa sa kaluwalhatian ng Diyos, at ang paraan patungo sa kabanalan, ay ang landas ng sakripisyo. Noong nanalangin si Hesus, sinabi Niya, “Ama ko, kung maaari’y ilayo mo sa akin ang kalis ng paghihirap na ito. Gayunman, huwag ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang mangyari.” Dito natin makikita ang dogma at turo ng Simbahang Katolika na mayroong dalawang kalooban sa ating Panginoong Hesus: ang Kalooban ng Diyos (o “Divine Will”) at ang Kalooban ng Tao (o “Human Will”). Dahil si Hesus ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo, ang Kanyang Kalooban bilang Diyos ay iisa sa Diyos Ama at Diyos Espiritu Santo. Dahil naman si Hesus ay may dalawang likas bilang ganap na tao at ganap na Diyos, Siya rin ay may “Human Will.”
Bilang tao, walang masama at hindi kasalanan ang hindi magdusa. Sa katotohanan, wala na tayong mararanasang pagdurusa sa panahong tayo ay makakapasok sa langit. Ngunit, kahit na ito ay mabuti, may higit pa na mabuti na higit na nakakapagbigay-puri sa Diyos at ito ay ang pagsunod sa plano o kalooban ng Diyos, ang sakripisyo ni Hesus sa Krus. Dahil dito, makikita natin na ang kalooban ni Hesus bilang tao ay susunod sa kalooban ng Diyos sa kabila ng pagdurusa at kahirapang dulot nito. Kahit sa unang pagbasa, makikita natin na mahirap para sa isang ama tulad ni Abraham ang ialay ang kanyang nag-iisang anak, ngunit siya ay nagtiwala sa plano ng Diyos. Sa kabila nito, hindi itinuloy ang pagkitil sa buhay ni Isaac at ang tunay na isasakripisyo ni Abraham na lalaking tupa ay ipinagkaloob ng Diyos. Sa Bagong Tipan, ipinagkaloob din ng Diyos Ama ang tunay na Sakripisyo para sa kaligtasan ng tao at ito’y walang iba kundi ang Kanyang Nag-iisang Anak, ang ating Panginoong Hesus. Tulad ni Abraham, tayo ay iniaanyayahan ng Diyos na isuko ang ating puso kay Hesus at maging kaisa Niya. Sa pamamagitan nito, naiaalay natin ang ating sarili bilang sakripisyo dahil kaisa tayo kay Kristo.
Tayo ay pinapaalalahanan ng Diyos na piliin ang pagsasakripisyo para sa tama at sa kapurihan ng Diyos kaysa sa kaginhawaan na dulot ng pagpili sa bagay na hindi naaayon sa Kanyang Kalooban, lalo na ang kasalanan. Iwasan natin ang manisi sa iba habang hindi natin nakikita ang ating sariling pagkukulang, kahit na ang pagmamataas na ito ay nagbibigay ng kaginhawahan sa ating pride at ego. Kahit na mas madaling iwasan lang ang makipag-usap sa taong kaaway natin, marahil tinatawag tayo ng Diyos na makipagkasundo at magkaroon ng kapatawaran sa isa’t isa. Nawa’y makapagnilay din tayo kung magagawa nating makapaglaan ng isang oras ng panalangin, lalo na tuwing Huwebes, na tinatawag ding “Holy Hour.” Ito ang oras na ibinibigay natin sa loob ng Adoration sa harap ng Banal na Eukaristiya kung saan pinipili natin na samahan Siya sa panalangin na sana ay nagawa ng mga disipulo sa Getsemani. Sa oras ng mga tukso, sikapin din nating humingi ng grasya at lakas sa dasal para labanan ang mga ito. Pagnilayan din natin kung ano ang mga bagay na nagbibigay sa atin ng “comforts” at “pleasures” na maaari nating isakripisyo upang tayo ay lumago sa kabanalan at higit na makapagbigay-puri sa Diyos. Nawa'y mapatnubayan tayo ng Panginoon nang may kapayapaan habang tayo ay narito sa mundo at nagpupursige sa debosyon. Amen. +
Pagninilay ni: CJTH
Pagbasa: Awit at Papuri Communications