11/06/2026
Saan napupunta?
Sumulat ako sa Kongreso para ikaltas ang ₱12 milyon mula sa aking MOOE para sa mga nasalanta ng mga kalamidad.
Pumunta rin ako sa Kongreso kanina para tanungin muli ang Committee on Accounts kung saan napupunta ngayong taon ang ₱18.58 bilyong Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng Kongreso, katumbas ng ₱58.42 milyon kada Kongresista. Inaasahan kong mailalaan ang malaking bahagi nito sa relief goods at iba pang tulong sa ating mga kababayan.
Walang nakakapagpaliwanag sa akin kung saan napupunta ang karamihan ng pondong ito, kaya ko ito kinukwestiyon. Ibinibigay ang malaking bahagi nito sa mga Kongresista para gastusin bilang "liquidation by certification". Hindi kailangan magbigay ng resibo, kaya ang tawag ng iba sa bahagi nito ay "bonus".
Magagalit ang ibang kasamahan ko sa pagpost ko tungkol dito. Sabi ng iba, ito ang ginagamit nila para sa pamigay nila sa kanilang distrito. Pero kung walang resibo, paano natin masisiguro na napupunta talaga ang perang ito sa taumbayan?
Ang aking panukala: Bawasan ang mga "bonus" ng mga Kongresista at Senador, at ibigay ito sa mga nasalanta ng kalamidad, simula sa ₱2 bilyon ngayong buwan.
Paumanhin sa aking mga kasamahan, pero hindi ko matiis na hindi kwestiyunin kung saan napupunta ang pondong walang resibo, lalo na't nakikita natin ngayon ang dami nating mga kababayang nangangailangan.